10 pagkaing makikita sa noche buena


By PANGYAO_Official on 30th Dec 2022

 Image
 Image
 Image
 Image
 Image
 Image
 Image
 Image

Lechon

Ang tradisyonal na paggawa ng lechon ay tinutuhog ang baboy ng malaking kawayan at dahan-dahang inikot sa ibabaw ng mainit na uling hanggang magging dark brown at malutong yung balat. May iba’t ibang paraan para sa timpla ng lechon; nilalamanan ang katawan ng bawang, sili, pamienta, tanglad, piña o dahon ng sibuyas. Minsan sa ibang mga probinsya, pinapahiran pa ng Sprite o cola o yung marinade habang niluluto ang lechon para lalo pang sumarap.

 

Ipikit ang iyong mga mata at imagine nyo ito: malutong ng balat, sobrang juicy na laman, at tamis anghang ng sarsa, tapos parisan ng mainit na kanin. Daming bumabalik na memories diba? Halos lahat ng malaking handaan nating mga Pilipino ay laging starring ang lechon. Ito ang centrepiece sa lamesa na pinapalibutan ng iba pang mga masasarap na ulam at panghimagas.

 

Bibingka

Gawa sa giniling na bigas, niyog, asukal at itlog na pula, ang bibingka ay kakanin na mas popular tuwing Pasko. Ito ay mabibili sa labas ng simbahan lalo na sa madaling araw ng Simbang Gabi, siyam na araw bago ang Pasko. Malimit na pinaparesan ng tsokolate, kape o salabat.

 

Embutido

Itong Filipino version ng meatloaf, ay gawa sa giniling na baboy, Vienna sausage, itlog at iba pang mga sangkap. Maaari itong iserve ng mainit o malamig at pinaparesan ito ng kanin at sawsawan ang banana ketchup. Kung hindi maubos sa araw ng handaan, maari itong itabi sa freezer ng hanggang isang buwan, basta maganda ang pagkabalot sa aluminum foil.

 

Filipino-style spaghetti

Ito ay kakaiba sa ibang spaghetti sa ibang bansa. Ang sahug ng ating spaghetti ay hotdog at giniling na baka. Ang tamis ay nanggagaling sa banana ketchup at konting dagdag ng brown sugar, tapos may toppings na shredded cheese.

 

Sobrang kilala ang Pinoy na spaghetti, maari na rin itong mabili sa Jollibee. Kuhang kuha ang panlasa at kung tayo ay nahohomesick, magandang pantawid ng lumbay.

Puto bumbong

Ang pangalan ng kakanin na ito ay galing sa bumbong ng kawayan na ginagamit bilang lutuan. Ang puto bumbong ay gawa sa itim na malagkit na bigas na iniisteam sa loob ng bumbong. Kapag luto na, nilalagay ito sa dahon ng saging at nilalagyan ng margarine, muscovado sugar, kinayod na niyog at minsan shredded cheese.

 

Kadalasan mabibili ang puto bumbong tuwing Pasko pero ngayong panahon, maaaring na itong mabili sa mga street vendor.

 

Leche flan

Ang leche flan ay isa sa pinakasikat na dessert ng mga Pinoy. Gawa sa itlog, condensada at evap na gatas at may masarap na caramel toppings and konting caramel sauce. Napakacreamy at malambot ang leche flan at lasang lasa ang magandang timpla ng itlog at gatas. May ibang recipe na gumagamit ng lemon zest para lumabas ang sarap ng tamis ng flan.

Buko salad

Ang buko salad ay isa sa mga paboritong panhimagas ng mga Filipino. Gawa sa kinayod na buko, at hinahaluan ng sago, kaong, nata de coco, delata ng fruit cocktail, pinya, condensed milk at cream.

 

Masarap ang buko salad kapag iserve ng malamig na malamig lalo na kung mainit ang araw sa labas.

Inasal na manok

Pinakaimportante sa inasal na manok ay ang timpla ng marinade at sawsawan. Ang bawat pamilya ay may kanya kanyang timpla ng marinate pero ang basic ingredients ay toyo, suka, sili at atsuete. Paborito din ito na pulutan dahil sa madali itong mabili sa mga street vendor o sa mga restaurant na nagseserve ng inasal.

 

Basahin ang aming kwento sa page 18 tungkol sa Chi-Khan Inasal dito sa Hong Kong at kung paano nil ana perfect ang timpla ng kanilang inasal.

Pancit

Kung anong dami ng mga probinsya, ganon din ang dami ng kanya kanyang version ng pancit. Ilan sa popular na pancit sa atin: pancit Malabon, pancit palabok, pancit Cabagan, pancit habhab at marami pang iba.

 

Hindi talaga ito mawawala sa lahat ng ating mga handaan dahil sinasabi nating pampahaba ng buhay ang pancit at talagang nagrerepresenta ito ng pagkaing Pilipino.

Hamon

Ang hamon ay Pinoy-style na Christmas ham. Tradisyonal na sineserve it tuwing Noche Buena. Kailangan ito ng matagalang marinade (mga 12-24 hours) sa pineapple juice at toyo, para lumambot ang karne at talagang tumatak ang lasa.

 

Ang glaze ang nakakaengganyong tignan sa hamon, kaya dapat siguraduhin na maigi ang pagkacaramelise ng pineapple juice at toyo. Sa ngayong panahon, mabibili na ang ready-made na hamon para sa convenient na paghanda nito.