ANG BUKANG-LIWAYWAY AT TAKIPSILIM


By Brenda on 7th May 2022

 Image
 Image
 Image

Ang buhay ay parang paglubog at pagsikat ng araw. Sa bawat araw na daraan ay may namumuong palagiang pag-asa sa mga palad ng isang OFW. Ang pag-asang aming pinanghahawakan sa aming mga kamay -- pag-asa na siyang balang-araw kami’y makakaahon

din sa buhay, pag-asa na ang aming mga pamilyang naiwan sa Pilipinas na sinilangan ay amin ding makakasama, pag-asa na siyang pagdating ng panahon lahat ng aming pinaghirapan ay magbubunga. Sa bawat dapit hapon na darating aming kalungkutan ay magsisimula nanamang bumalot sa aming kaluluwa. Kalungkutan na siyang karamdaman ay pangungulila,

na sana kami ay nasa aming pamilya akay-akay ang mga anak, kumakain ng sabay sa hapag at higit sa lahat nagkukwentuhan ng mga pangyayaring nangyari sa aming buong kahapunan.

 

     Tila nga baga ang buhay ay kay hirap ngunit araw-araw, sa kadahilanang walang karapatang mapagpipilian, kami ay magbabanat buto, magkukuskos ng inidoro, kakain ng tira ng mga amo at higit sa lahat iiyak mag-isa sa kwarto dahil sa pangungulila, ngunit ang lahat ng

ginagawa naming ito ay para sa pamilyang naiwan namin sa Pilipinas. Para sa akin ang buhay OFW ay tunay ngang naglalarawn ng paglubog at pagsikat ng araw, palagian. Kung sapat lamang at may ganap na kita sa aming bansang pinanggalingan may tinapos man o wala, wala sigurong ina, ama, anak, o kung sino man sa kapamilya ang pupunta ng ibang bansa para

makipagsapalaran ng mga buhay upang kumita ng malaking halaga na higit na kinikita sa bansang pinanggalingan.

 

     Ilang araw, buwan, taon na ba ang lumipas? Ilang kaarawan, pagtatapos, at selebrasyon na ba ng pamilya namin ang aming hindi napuntahan?

 

     Magkaroon man ng kadiliman, ay magkakaroon din naman ng liwanag. Na parang ipinahayag na ang araw ay sumisikat nang matagumpay, nagpainit sa lupa, na ikinakalat ang kanyang kumikinang na silaw. Tulad ng isang simbolo ng kagalakan ang mga sinag ay tinutugis ang huling mga anino na dating sumasamo sa kalungkutan. Ang gabi mismo ay ang

pinakasikat ng kalungkutan, ang pagiging kamatayan at kadiliman, kung saan ang pagsikat ng araw ay ang tagapagdala ng pagsilang, ang sagisag ng bagong buhay at muling pag-asa.

 

Napakalungkot ng buhay ng isang OFW tuwing sasapit ang kinahapunan ngunit pagsapit ng umaga panibagong pag-asa nanaman ang dadaan.