AKO
*Ako ay isang babae
*Ako ay isang anak
*Ako ay isang asawa
*Ako ay isang ina
Mula pagkabata ako ay nangarap
Makapag - aral tapos ay magsumikap
Ngunit sa paglipas ng panahon
Nalaman ko na buhay ay puno ng paghamon.
Bilang isang anak
Ako ay may pagkukulang
Ngunit pinipilit kong punan
Mga oras na nakaligtaan.
Habang buhay na pasasalamat
Sa puso at isip ko'y nakakintal
Buong puso ko kayong minamahal
O aking ina at aking tatay.
Bilang isang asawa ako ay lubos na nagmahal
Pamilyang aking binuo ay biglaang nabuwal
Matagal na panahon kong pagpapagal
Nawalan ng saysay at bumagal.
Bilang isang ina ay matalinhaga
Pinakadakila at pinakamahalaga
Maagang namulat sa responsibilidad
Sarili kong pangarap ay hindi na umusad.
Munting anghel na nasa aking sinapupunan
Nagsilbing lakas at aking kasiyahan
Ang aking sanggol siyang naging kasagutan
Para sa lahat ng agam-agam at mga katanungan.
Dahil sa inyo pagkato ko'y muling nabuo
Nakalimutan ang mga hinanaing at pagkabigo
Bawat araw ako ay hindi sumuko
Mga pangarap na naglaho kayo ang nagpuno.
Nalaman ko ang aking halaga bilang isang babae
Na ang lahat ng hirap ay kaya kong iisantabi
Para sa aking mga mahal sa buhay
Ako'y patuloy na lalaban at magiging matibay.
Salamat PANGINOON sa aking buhay
Ito'y nagkaroon ng kulay at kabuluhan
Patuloy na pag-iingat at paggabay
Hindi MO ako iniwan kailanman.
Akala ko noon ang aking mithiin
Ay hindi ko na makakayanang abutin
Dahil mula sa aking paningin
Ito'y isang bituin na mataas ang pagkakabitin.
Sa malayong lugar kung saan ako ay naroroon
Akala ko noong una ay isang imahinasyon
Ngunit sa pagdaan ng mga panahon
Dito pala ako magsisimulang bumangon.
Ako ay patuloy na kakapit
Sa mga pangarap na hindi pa nakakamit
Ako ay patuloy na sasagwan
Hampas ng alon ay hindi katatakutan.
Mga oras na nasayang
At mga ala- ala na nagdaan
Baon ko'y bagong pag-asa
Masayang buhay kasama ang pamilya.
Pamilya na siyang aking inspirasyon
Kaya ako ay hindi natitinag sa ulan at ambon
Kasama ko sila sa aking pag- ahon
Mas lalong titibay sa habang panahon.
❤️❤️❤️ -AKDA NI ISANG-