Image
 Image
 Image

ISA SA PAGKAKAKILANLAN ng lahing Filipino ay ang pagmamahal at pagkahilig sa musika. Kahit saan mang bahagi tayo ng mundo, hindi wawawala ang musika sa pang araw-araw na pamumuhay ng mga Filipino. Madalas nga hindi na importante kung nasa tamang tono ba o kung anong genre ang gusto natin, tanging ang pagkahilig natin sa musika ang pinakamahalaga.

 

Ang musika ng ating mga ninuno ay hango lamang sa mga huni ng kalikasan na ginagamit nila bilang pakikipag-ugnayan sa bawat isa sa kanilang komunidad. Nang dumating ang mga Islam noong ika-14 siglo, yumabong ang kultura ng ating mga ninuno kasama na rito ang pagyabong ng katutubong musika. 

 

Sa panahon ng pagsakop ng Espanyol sa ating bansa, habang-buhay na nabago ang ating musika. Sa pagdating ng mga Amerikano, nadagdagan ang mga pagbabago sa ating katutubong musika.

 

Sa kasalukuyan, nanatili ang bakas ng istilo at impluwensya ng kulturang Espanyol, Amerikano, Latin American, at mga katutubong musika. Eto ay dahil sa napakahabang panahon naging kolonya ng mga naturang bansa ang Pilipinas.

 

Ang OPM o Original Pilipino Music, ay ang unang itinawag sa mga popular na awiting Pinoy, na kadalasan ay ballads matapos ang mga huling yugto ng 1970 kung saan kilala ang tinatawag na Manila sound. Sa kasalukuyan ang terminong OPM ang tawag sa pangkalahatang musika na isinulat at inawit o itinaghal ng isang Pilipino.  

 

 

Bago pa man isilang ang OPM noong 1970s, simula noong 1950s hanggang 1960s ang mga kilalang pop songs ay binubuo ng napakaraming mga awitin na nasa lokal na wika at mga theme song ng pelikula. Kilala sina Pilita Corrales, Sylvia La Torre at marami pang iba sa mga nagpasikat ng iba’t ibang Filipino songs sa dekadang eto.

 

Sino ang hindi nakakaalala ng awiting Kahit Maputi na ang Buhok Ko na pinasikat ni Rey Valera noong dekada 70? Nariyan din ang Ikaw ang aking Mahal ng VST & Co., Anak ni Freddie Aguilar at Mr. Lonely ni Victor Wood. Madalas ko pang marinig ang mga tugtuging ito noong ako ay nasa elementarya.  Ang mga iconic songs na pinasikat ni Rico J. Puno ay mga OPM na sadyang tumatak sa industriya ng musika dahil na rin sa natatanging kalidad ng boses ni Puno.

 

Nakipagsabayan na pumailanlang sa ere (airwaves) ang mga naiibang tinig nina Imelda Papin, Eva Eugenio at iba pa. Sila ang mga tinaguriang Jukebox Queens ng Pilipinas dahil sa mga kantang Bakit/Kung Liligaya Ka sa Piling ng Iba, Tukso at Sayang. Paboritong pakinggan ng mga lola ko ang mga awiting ito na madalas ay sinasabayan pa nilang kantahin habang pinatutogtog sa mga radyo. 

 

 

Noong dekada 1980s hanggang 1990s, ang mga awitin nina Regine Velasquez, Sharon Cuneta at iba pang Songbirds/Stars ng Pinas ang madalas kong marinig na pinatutugtog sa mga radyo. Nang panahon ito naukopa naman ni Francis Magalona ang rap genre lalo sa kanyang pinaka-popular na likha, ang Mga Kababayan.  Sa mga taon ding eto nakilala si Jose Mari Chan sa kanyang mga awiting pamasko.

 

Nagkaroon na panibagong tunog ang OPM noong 1990s. Sikat na sikat ang mga rock bands sa panahong ito. Isa rito ang bandang Eraserheads, na nanalo pa ng 1997 MTV Viewers Choice Award. Nandyan din syempre ang mga legendary na mga banda tulad ng Rivermaya, Side A at Yano.

 

Samantala, nagsimula ang mga makabagong tugtuging OPM na maririnig simula 2000 hanggang 2010. Naimpluwensyahan na din ng K-pop, J-pop at American Pop music. Nitong mga taon na ito, naging uso rin ang mga acoustic cover bands tulad ng MYMP. 

 

Ang musikang Pinoy ay patuloy pa din na nag-eevolve at umangkop sa makabagong tugtugin. Malaking parte na din ang paglaganap ng online platforms para sa mga mang-aawit at musikero, tulad ng YouTube, Spotify, SoundCloud at TikTok. Mas madali nang maibahagi ang ating musika sa mga tagapakinig, kahit saan man sila sa mundo.