Sana Pagdating Ng Panahon

By Edith Garma on 15th Nov 2022

Tagaktak pawis, kilos ay matulin

'Di mapagtanto kung ano uunahin

Sa dami ng pasalubong na bibilhin

Lahat ay pagbibigyan ang hangarin

 

Nagkandakuba na sa pagbubuhat

Pero katawang lupa'y ayaw paawat

Dahil umaasa ang pamilyang salat

Responsibilidad aakuin kahit mabigat

 

Ito marahil ang papel niya sa mundo

Simula't sapol ginintuan na ang puso

Kaya pinagpala't nakarating sa ibayo

Siya na ulirang tagasunod ng panuto

 

Datapwat tumanda na sa pagtulong

Inatupag pagbibigay, sarili'y ikinulong

Sa mga obligasyong walang hanggan

At mga pangarap na walang katapusan

 

Sana masilayan hanggang dapithapon

Kabutihang naikintal na 'di naparam

Sana may kaagapay sa maghapon

Ganti sa walang-puknat na pagtulong

Poems by Other Authors

Other Poems by Edith Garma