Isang gabing taimtim
Bigat nang damdamin ay kimkim
Sa anak ay sumulyap,
Ramdam ko’y walang galak
Anak, dalawampu’t apat na buwan
Ako muna ay lilisan
Patawad at sa mura mong edad
Ina mo ay sasabak sa ibang realidad
Maleta ay unti-unting hinatak
Habang luha ay pumapatak
Sa gitna nang pandemya
Ay nangibang bansa
Nagbakasakali na sa dayuhang bansa
Ay makamtan ang pag-asa
Nang nasa himpapawid
At mangha sa kalangitan
Diko maiwasang masaktan
Sa pait nang kapalaran
Inang nais ibigay sa anak
Magandang kinabukasan
Ay handang saluhin
Lahat nang pighati
Hahamon sa dayuhang bansa
Habang nasa hukay ang isang paa
Bawat araw,buwan
Hanggang sa naging taon
Habang ibang bata ay kinakalinga
At inaaruga, Ikaw….
Aking anak ang laging inaalala
Sa bawat pagmulat
Nang mga malulungkot na mata
Hanggang sa pagpikit
Ikaw…aking anak ang nasa isip
Sa mga nakaw na oras
Na ika’y nakakausap
Walang ibang hangad
Kundi ang muli kang mayakap
Yakap na may hinging pagtawad
Patawad…wala si “mama’
Wala si mama sa iyong kaarawan
At sa mga panahong
May iniinda ka sa katawan
Mga luhang di mabilang-bilang
Mga sakit sa katawan na sarili
Lamang ang nakakaalam
Sa pakikibaka sa araw-araw
Na diskriminasyon
Sa mga sitwasyong
Kumakalam ang tiyan
Mga pigil na antok
Mga tuksong sumubok
Ikaw …..Anak
Ang naging sandata
Sa lahat nang pagsubok
Sa mga araw at gabi
Na wala ka sa tabi
Habang pasan ang daigdig
Sa Diyos ikaw ang bukambibig
Patuloy akong hihingi ng tawad
At magpapasalamat
Harangin man nang sibat
Pangarap ay kaakibat
Ngunit anak , nakakalumbay
Dahil nang ako’y lumisan
Ika’y musmos pa lamang
Sa libo-libong metrong layo
At pagkukulang ko sa pagsubaybay
Ala- ala mo sa iyong ina
Ay unti-unti mong binaon sa lupa
Wari ko’y sa bawat oras na tumatakbo
Ay siya ring iyong paglayo
Ako ay naninibugho
Sa taong hindi nagsilang sayo
Sapagkat “mommy” ang sinasambit mo
Sadyang napakabigat sa puso ko
Kung bakit nagkaganito
Sa Diyos ay tanong ko
May pagkukulang pa ba ako
Hindi pa ba sapat ang sakripisyo ko
Sana liwanagin mo ako
Gabayan at ituro ang tamang daan
Anak, patuloy kong aabutin ang bituin
Patuloy akong sasagwan
Sa malulupit na alon
Hanggang sa maging payapa
At muli na kitang makasama
Anak,huwag mo sana
Akong kakalimutan
Andito ako sa malayo
Lahat ay handog sayo
Dahil ako ito, ang totoong “mommy mo”