Ang kagandahan
hindi nakikita sa panlabas
na anyo lamang.
Matatamis na pananalita,
samo't saring pagpupuri,
Salitang nakakabighani,
mapapaamo pati
ang mga galit na tigre.
Mga tao sa paligid napapangiti,
namamangha at naniniwala.
Sa likod ng kagandahan,
nagtatago ang maitim na kulay.
Isang bakas ng kahapong
pilit kinakalimutan.
Kalungkutang pilit binabalewala
dala ng kwentong
pilit binibigyan
ng kahulugan at halaga.
Pusong punong puno
ng galit at inggit.
Sana'y luminaw ang tubig
at magliwanag ang kalawakan.
Magising sa katotohanan
at maiwasto ang kamalian.
Lahat ng bagay may katapusan.
Buhay ay panandalian lamang.
Mabuhay ng tama na may kapayapaan.
Matakot sa Amang lumikha na
Siya lang ang tanging nakakaalam.
Ilabas ang tunay na kagandahan
kailanma'y hindi makakalimutan
patuloy na maaalala ninuman.
Pagbigkas pa lamang ng pangalan
mapapangiti ang karamihan
sapagkat maaalala ang lahat
ng kabutihang nagawa
at naitulong sa kapwa.
Umpisahan ang pagbabago
bago pa mahuli ang lahat
para sa sariling kapakanan.
Matutong magpatawad
at magpatuloy sa buhay.
Lahat ay may dahilan.
Walang ibang makakaunawa
kundi mismong sarili lamang.
Maging mapagpakumbaba
at positibo sa lahat ng bagay,
ilabas ang tunay na kagandahan.