Ang Makahiya... Bow

By Anna09 on 14th Sep 2020

Pangyaos
Horizons: home for talented migrant workers in Hong Kong
 Image

Noong ako ay bata pa,

Napag-aralan ko ang alamat ng makahiya,

At sa tuwing ako ay uuwi galing sa eskwela,

Sinusubukan ko, kung talagang titiklop ang mga dahon niya tuwing mahahawakan ko siya.

Palibahasa, pakalat-kalat lang ang makahiya noon sa aming kalsada,

Pero bakit ngayon, bihira na akong makakita ng makahiya sa aming probinsiya.

 

Kapag ang isang tao ay makapal ang mukha,

Sasabihan siyang, "sana ay dapuan ka ng hiya",

At maiisip kong dapat lang naman na matuto tayong mahiya,

At tumiklop sa oras na hindi naman natin kaya.

Huwag bira ng bira,

Alamin ang oras at panahong, "ikaw na",

At sa oras naman na andoon ka na,

Huwag na huwag makakalimot kung saan ka nagmula,

Mahiya ka sa mga taong nagdala sa'yo diyan sa ginhawa. 

 

Ang "makahiya" ay titiklop para isipin nilang wala na siyang buhay,

At lalayuan ng mga hayop na sa kaniya'y kakain at papatay,

Sana ay magsilbing aral ang taglay niyang sandata,

Sa buhay natin ang makahiya ay may aral ding dala.

 

Ang pagiging mahiyain ay ugaling pinamana sa atin,

Sana lang ay huwag nating subukang limutin,

Sapagkat tatak yan ng pagiging pinoy natin,

At ugaling kanais-nais na dapat palaging bitbitin.

Huwag maging bastos at huwag kakapal ang mukha sa oras na ikaw na ang nasa papawirin.

Simple lang ang tulang ito para madali mong maintindihan aking nais na iparating.

Kaibigan, minsan maganda ang aral na matututunan natin sa dahong mahiyain..bow.

Other Poems by Anna09