Milya

By Jay-Mie on 2nd Aug 2020

Migrant Writers of Hong Kong
 Image

Milya

 

Kay bilis talaga ng oras

Hindi ko namalayan ang pagdaloy ng bukas

Sa aking balintataw

Laging nagbabalik tanaw

Ang mga bagong alaala

Na sa aking muling paglayo ay nadala

Mga nakaw na panahon

Animo'y, sa dagat mga alon

Dumarating, at sa pagpikit ng mga mata

Naglalaho na parang bula

 

Pusong nagmamahal ng wagas

Nagpupumiglas makawala sa mga rehas

Ang nais niya'y makapiling

Sa tuwina'y ang mga mahal na supling

Bagama't sa kanyang damdamin

Ang nais na kanilang muling pagkakasalinsin

Pansamantala muna ay dapat kikitilin

Napakalupit, napakasakit

Ngunit kung ang sakripisyo man may kapalit

Hindi alintana, puso niya'y magpakasakit

 

Paikot-ikot, pa-rito, pa-roon

Sayawan na lamang ang paglipas ng panahon

Sa isang tabi iwawaglit

Ang mga nais sa isipang nagpupumilit

Ngunit sa sandaling tahimik

Sa piling ng gabing malamig

Sabay ay ang pag-agos ng luhang nananabik

Sa kanyang isipan, nais niyang tuldukan

Balang araw, ang kanyang pangingibang bayan

Sa kabila ng milya-milyang ibayo

Mga puso, sa tamang panahon muli magtatagpo💗

 

Laban pa.... Laban lang!

 

🖋Nemy

📷 pinterest

Other Poems by Jay-Mie

2nd Aug 2020
Thought Image