Dumaan ako sa sementadong daan,
Nilakbay ko kahit bako bakong lansangan,
Para lang hanapin ka at umasang magkakasalubong man lang,
Pero hindi ko nagawa inabot ko man ang dulo ng walang hanggan.
Nasulyapan ko ang mga alapaap,
Natanaw ko ang mga ulap,
Halos maabot ko pati mga alitaptap,
Para lang makadaupan kitang palad
Pero hindi ko nadama ni anino ng yong sulyap,
Tila ba naiagos na sa ilog ng pangarap.
Hinanap kita sa kung saan saan,
Pero hindi kita nakita o nasulyapan,
Marahil ibang landasin ang iyong pinuntahan,
Kaya hindi man lang kita nasalubong sa daan.
Ang lahat ng nilikha ay may katapusan,
Gaya ng paglalakbay may paroroonan,
Alagaan at ingatan, atin itong pahalagahan habang andiyan,
Dahil sa huli maglalaho ang lahat at babalik sa abo lang,
Gaya ng pagmamahal na nagiging bula na lamang.