SANA
ni Ron R. Lacson
Natatandaan mo pa ba ang isa at lahat
Nang tayo’y masaya sa pagpitas ng gumamela
Natatandaan mo pa ba ang punong duhat
Ang mga sinegwelas na may langgam na pula
Sana ay maalala mo pa
Sana’y nakaraan ay bumalik pa
Hawak kamay tayong tumatawid sa ilog
Pagdating sa pampang ay uupo sa bato
Habang binubuksan ang baon nating itlog
Sabay kwentuhan ng tungkol sa multo
Sana ay nasa isip mo pa
Sana’y damdamin ay bumalik pa
Sa larong syato, tayo lagi ang magkakampi
Maging sa patintero, tayo’y magkasangga
Minsan sa iyong pisngi, labi ko’y dumampi
Dala ko sa panaginip at sa lahat ng paghiga
Sana ay napapangarap mo pa
Sana’y saya ay bumalik pa
Inukit ko ang puso natin sa punong bayabas
Nagdulot ng ngiti sa iyong mapula mong labi
Namasdan pakpak ng ibon na pumapagaspas
Saksi ang mga ulap sa musmos na pagtangi
Sana ay natatanaw mo pa
Sana’y yakap ay bumalik pa
Sana ay may pag-ibig pa
Sana’y ikaw ay bumalik pa
Sana
Sana