KONSEPTO


By Jsn on 10th Sep 2022

Migrant Writers of Hong Kong
 Image

KONSEPTO

 

Mahirap ang landasin ng ating buhay. Maraming lubak, tinik, at mga harang na para bang naglalakad tayo sa hindi kilalang kagubatan sa kalaliman ng gabi— habang natatakot tayo sa mga ahas na maaaring tumuklaw. Dagdag mo pa ang pagiging misteryoso nito, lalo’t mahirap hulaan kung saan ang hangganan, o kung mararating pa ba ang dulo o tuluyan nang mahimlay bago pa man sumikat ang araw kinaumagahan.

 

Minsan o madalas tuwing gabi, umaagos ang mga luha sa lagusan nitong hindi nakakakita ng bukas. Napapaisip ako kung paano ko ba magagawa ang mga bagay na ninanais ko gayong may mga bagay na sadiyang humahadlang kagaya ng isang kondisyon o kapansanan. Libre ang mangarap, at hindi imposibleng matupad. Subalit ibang usapan na kapag hindi pa talaga umaayon sa iyo ang tadhana. ’Yung nanaisin mong maging artista, subalit nahihirapan kang tumingin sa kamera— o ’di kaya’y nasisilaw sa mga lenteng kailangan sa paggawa ng mga eksena.

 

Madaling sabihing “kung talagang gusto’y may paraan, ngunit kung ayaw ay maraming dahilan”; subalit paano kung ang ninanais mo’y sadyang tumutugma sa iyong kakulangan?

 

Mahirap. Oo, mahirap. Pero kailangan kong lumaban. Kailangan kong labanan. Kailangan kong magtagumpay!

 

Mahigit dalawampung taon na akong alipin ng katarata. Kalaban ang sinag ng araw. Nakukutya. Pinanghihinaan. Subalit patuloy pa ring lumalaban.

 

Maraming pangarap ang hindi ko kaagad naisakatuparan o nagawa. Subalit, punong-puno ako ng paniniwala sa aking sarili. Na makakaya ko rin ang lahat. Salamat sa Diyos at ginawa niya akong isang taong “optimistic”.

 

Naniniwala pa rin ako sa tamang proseso. Naniniwala akong pinahintulutan ng Diyos na mangyari ito sa buhay ko dahil alam niyang pagtitibayin lalo ako nito— at oo, matibay ako.

 

Darating din ang araw na makakalaya ako sa kondisyong ito. At ’pag nangyari ’yun; mas marami na akong magagawang makabuluhang bagay na makakatulong nang lubos sa mga taong makakasalubong nitong rutang tinatahak.

 

Tandaan ang siklo o buhay ng isang paruparo. Hindi siya magiging mabilis at makalilipad kung hindi napagdaanan ang mabagal niyang pag-usad— o kung hindi niya pinagdaanan ang lahat ng proseso.

 

Hindi ko nakikita ang magiging takbo ng bukas. Subalit alam kong nasa oras ako ng aking pagpapakatatag. Naniniwala ako sa konsepto paruparo. Darating din ang oras na darating ako sa ganoong punto.